Ang Babaeng Biya(hero) ay hango sa mga salitang biyahe at hero o bayani, na madalas ituring sa mga overseas Filipino workers (OFW). Ang buong danas ng babaeng migrante ay itinuturing na paglalakbay, kung saan ang babaeng OFW ang bida sa sarili niyang kuwento. Parami nang parami ang mga babaeng OFW na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa bilang mga domestic workers, factory workers, caregivers, teachers, sales and services workers, at maraming pang iba. Sa kabuuan, tinatayang mahigit 10 milyong OFWs ang nagtatrabaho sa lampas 200 bansa. Ang kampanyang Babaeng Biya(hero) ay kumikilala sa panloob na karapatan at kakayanan ng babaeng OFW na iangat ang kanilang boses, makapili at makapagpasya, at igiit ang sariling ahensiya. Hatid nito ang mga programang nais magbigay tulong sa mga babaeng OFW sa bawat hakbang ng kanilang paglalakbay. Layunin ng kampanya na protektahan ang bawat Babaeng Biya(hero) sa pang-aabuso at karahasan upang makamit ang isang ligtas at patas na karanasang migrante. Ang Babaeng Biya(hero) ay hatid ng programang Safe and Fair.